NAGA CITY- Hinigpitan muli ng pamahalaan ng United Kingdom ang patakaran laban sa banta ng Covid-19 Omicron variant.

Nabatid kasi na dalawang indibidwal ang nagpositibo sa nasabing bagong variant na tinukoy na konektado sa bumiyahe mula South Africa.

Sa ulat ni Bombo International News Correspondent Paul Ledesma mula sa nasabing bansa, sinabi nito na nang maiulat ang naturang kaso, kaagad nagsagawa ng malawakang contact tracing sa mga nakasalumuha ng dalawang nagpositibo.

Pinulong rin ni British Prime Minister Boris Johnson ang lahat ng concerned health agencies at napagkasunduang mandatory ulit ang pagsusuot ng face mask.

Gayundin din aniya ang pag-oobligang magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test ang mga papasok sa bansa simula bukas kaugnay ng pinatupad na travel restrictions ng bansa.

Kaugnay nito, ang indibidwal naman na kumpirmadong nagpositibo sa virus ay kailangang sumailalim sa 10-days self-isolation anuman ang kanilang vaccination status.

Samantala, dagdag pa ni Ledesma, hindi lingid sa kaalaman ng tao sa UK ang mabilis na hawaan ng variant kung kaya matindi rin ang ginagawang interventions ng pamahalaan ukol dito.