Muling nararanasan ng maraming pamilyang Pilipino ang pagtaas ng gastusin sa paghahanda sa eskwela sa pagbubukas ng taong panuruan 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Emmanuel Onsay, Batay sa mga obserbasyon, mas mataas na ngayon ang kabuuang halaga ng mga kinakailangang gastusin kumpara sa mga nakaraang taon. Ito ay dulot ng maraming salik tulad ng implasyon, pagbaba ng purchasing power ng piso, at epekto ng nagdaang krisis sa langis na nakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ng gastos ay ang transportasyon at pagkain. Ang pagmahal ng produktong petrolyo ay direktang nakaapekto sa pamasahe, habang ang baon ng mga mag-aaral ay apektado rin ng pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang pagkain. Dahil dito, mas mabigat ang pasanin ng mga magulang na araw-araw na kailangang tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga anak sa paaralan.
Ayon kay Onsay ang tinatawag na “back-to-school price increase” ay hindi itinuturing na pormal na inflation, kundi epekto ng batas ng supply at demand. Sa tuwing papalapit ang pasukan, sabay-sabay ang pagbili ng mga mamimili kaya’t tumataas ang presyo ng mga gamit sa eskwela tulad ng notebook, ballpen, at iba pang kagamitan. Gayunpaman, inaasahan na bumabalik din sa normal ang presyo makalipas ang ilang linggo matapos ang pagbubukas ng klase.
Lubhang naaapektuhan nito ang mga minimum wage earner, lalo na sa mga rehiyon na may mas mababang kita. Tinatayang umaabot sa ilang araw ng sahod ang kinakailangan upang matustusan ang mga gastusin sa eskwela ng isang anak lamang, at mas tumataas pa ito depende sa dami ng anak na nag-aaral. Dahil dito, mas nagiging mahirap para sa mga pamilya na sabayan ang tumataas na presyo ng bilihin.
Upang makaagapay, maraming magulang ang nagsasagawa ng mga praktikal na estratehiya tulad ng paggamit muli ng lumang school supplies, pagbili ng second-hand na kagamitan, bulk buying, at pagpapatahi ng uniporme sa halip na bumili ng bago. Sa ganitong paraan, kahit papaano ay nababawasan ang bigat ng gastusin habang patuloy na naipapadala sa paaralan ang mga mag-aaral.









