NAGA CITY- Nakakabastos umano ang naging pahayag ni Sen. Bato Dela Rosa na maghanap na lamang ng trabaho ang nasa 11,000 na empleyadong nawalan ng trabaho matapos na hindi mabigyan ng bagong prangkisa ang giant network na ABS-CBN.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonoy Espina, National President ng National union of Journalists of the Philippines (NUJP), sinabi nito na tila nakakainsulto na sa isa pang halal na opisyal ng bayan nagmumula ang tila pagbabalewala sa pagkawala ng trabaho ng libu-libong tao.
Sinabi pa nito na tila hindi nakikita ni Dela Rosa ang nararanasang pandemya at krisis sa bansa.
Dagdag pa nito, hindi umano alam ni Espina kung saan nanggagaling ang ganitong kaisipan ng naturang senador dahil kung titingnan aniya, nasa ilang milyon na ang walang trabaho sa bansa dahil sa COVID-19.
Sa ngayon, tanging panawagan na lamang ni Espina sa buong media industry na huwag magpatinag at huwag panghinaan ng loob sa kabila ng naturang usapin.