Tinawag ng isang senador na sobrang kabastusan na ang sunud-sunod at lumalalang pambu-bully ng China sa mga Pilipino sa loob mismo ng ating teritoryo.
Ang nasabing kapahayagan ay kasunod ng pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal kung saan muling hinarang ng China ang Rotation at Resupply Mission ng mga tauhan ng Philippine Navy na nauwi pa sa paghatak ng China Coast Guard sa military boats ng bansa, pangungumpiska ng mga armas kung saan mayroong ilang Pilipinong sundalo ang nasaktan na ang isa ay naputulan pa ng daliri.
Ayon kay Senator Joel Villanueva na labis itong nababahala dahil maliban sa makabago ang teknolohiya ng kanilang mga kagamitan ay mas nagiging agresibo pa ang China sa kanilang mga pag-atake sa Pilipinas.
Dahil dito, hiniling ni Villanueva ang pagkakaisa ng mga Pilipino para sa laban na ito kasabay ng kanyang pagbibigay ng pagsaludo sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines at maging ang mga mangingisda at mga sibilyan na buong tapang na nakikipagsapalaran araw-araw sa West Philippine Sea (WPS).
Pinuri at sinupurtahan rin ng mambabatas ang paghahain ng Pilipinas sa United Nations (UN) ng claim para sa extended continental shelf sa WPS na isang proactive measure na hindi lang nagpapatibay sa ating historical claim sa Kalayaan island group kundi nagkukumpirma rin sa ating commitment na sumunod sa ‘rule of law’.