NAGA CITY – Lalo pang lumakas ang panawagan ng pamilya De Lima na palayain si dating Senator Leila De Lima matapos itong tangkaing i-hostage ng isa sa tatlong bilanggo na nagtangkang tumakas sa PNP-Custodial facility sa Camp Crame kahapon ng umaga.
Maaalala, napatay ng mga otoridad ang nasabing mga bilanggo habang sugatan naman ang isang pulis matapos itong saksakin ng isa sa mga ito.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Vicente De Lima, kapatid ng dating senadora, sinabi nito na ipinagpapasalamat ng kanilang pamilya ang offer na ibinigay ng administrasyong Marcos sa kaniyang kapatid na ilipat ito ng facility ngunit mas makakabuti umano kung papalayain na lamang ito ng gobyerno.
Aniya, matagal nang na hostage at nawalan ng karapatan ang kaniyang kapatid na mamuhay ng malaya matapos itong makulong noong 2017 dahil sa umano’y pagkakasangkot sa iligal na droga.
Dagdag pa ni Vicente, hindi nila maintindihan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa napapalaya ang kaniyang kapatid ganoong binawi na ng mga testigo ang kanilang mga pahayag laban sa dating opisyal at inamin na rin ng mga ito na pinilit lamang umano silang magsinungaling laban dito.
Kung tutuusin umano may kapangyarihan ang Pangulo at ang Justice Secretary bilang bahagi ng executive na ipag-utos sa kanilang mga prosecutor na ibasura na ang mga kaso laban sa dating senadora.
Sa ngayon, umaaasa na lamang si Vicente sa kaligtasan ng kaniyang kapatid habang ito’y nasa loob ng piitan kasabay ng kaniyang pasasalamat sa lahat ng nanalangin para sa hustisya ng dating opisyal.