NAGA CITY – Hindi masusukat na kaligayahan, iyan ang binitawang salita ng isang ama sa nakuhang gintong medalya ng kaniyang anak sa nagpapatuloy na 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lorenzo Cortez Ramirez, ama ni Jiu-jitsu gold medalist Annie Ramirez, ang Pilipinong atleta na tubong Pamplona, Camarines Sur na nakakuha ng ika-anim na gintong medalya ng Pilipinas matapos na magwagi sa women’s 57kg ne-waza gi competition sa 32nd SEA Games sa Cambodia nitong Sabado, Mayo 6, 2023, sinabi nito na labis na kasiyahan ang idinulot ng pagkakasungkit ng kaniyang anak sa gintong medalya sa nasabing kompetisyon dahil nagpapakita lamang umano ito na lahat ng pinaghirapan ng kanyang anak ay mayroong magandang resulta.
Aniya, inasahan na umano ng kanilang angkan na maiuuwi ni Annie ang Gold medal gaya nang nangyari sa isinagawang SEA Games sa Pilipinas dahil nakikita nila ang pagpupursige nito upang makuha ang minimithi sa pagsabak sa nasabing torneo.
Dagdag pa ni Lorenzo, labing-anim na taong gulang pa lamang umano ang kaniyang anak nang magsimula ito sa larangan ng swimming ngunit lumipat sa jiu-jitsu sports dahil dito umano nito natagpuan ang hinahanap at puso ng isang atleta.
Kaugnay nito, araw-araw na training, disiplina sa sarili at pagsasakripisyo ang naging sandata nito upang hirangin na isang kampeon.
Samantala, sa buong journey ni Annie Ramirez bilang isang atleta, hindi umano ito humingi ng pinansyal na tulong sa kanila dahil sa kahirapan ng buhay bagkus nagsumikap ito sa sariling paraan upang makapagpatuloy sa pangarap na makapag-uwi ng karangalan sa Pilipinas.
Binitbit umano ni Annie ang bigat, problema at hirap kasabay ng kaniyang piniling landas at napagtagumpayan naman nito ang lahat sa pamamagitan ng tiyaga, suporta ng pamilya, kaibigan, coaches, kapwa Pilipinong atleta at higit sa lahat pagdarasal sa Panginoon upang marating ang kinalalagyan nito ngayon.
Payo na lamang ni Lorenzo sa lahat ng mga magulang na suportahan ng buong puso ang kanilang mga anak sa lahat ng mga nais nitong gawin at maging sandigan sila sa oras ng problema at pangangailangan.