NAGA CITY – Labis na lamang ang naging kasiyahan ng ama ng Bikolanang atleta na nakasungkit ng gintong medalya para sa Pilipinas sa nagpapatuloy na 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lorenzo Ramirez ang ama ni gold medalist Annie Ramirez, ang pambato ng bansa sa Jujitsu-Women’s U 62kg-GI event, sinabi nito na kahit inaasahan na nila na maiuuwi ng kaniyang anak ang gold medal, labis pa rin ang kanilang kasiyahan ng manalo ito mula sa kaniyang kalaban.

Kwento pa ni Lorenzo, bata pa lamang umano si Annie, aktibo na ito sa sports kung saan nag-ensayo rin ito sa judo at swimming.

Aniya, mas nag-excel lamang talaga ang anak sa jujitsu kung kaya ito rin ang kaniyang pinili na pagtuunan ng pansin.

Samantala, dati pa umano ay nag-uuwi na ng iba’t-ibang uri ng medalya si Annie dahilan kung kaya malaki ang kanilang paniniwala rito ng kaniyang pamilya.

Sa kabila nito, nagpapasalamat din ang ama ni Annie na natapos nito ang kompetisyon na walang nasaktan sa pagitan nila ng kaniyang nakalaban.