NAGA CITY – Matapos ang pagka-brain dead ng delivery rider na kinilalang si Ryan Vargas, biktima ng pamamaril sa Lomeda San Felipe, sa lungsod ng Naga, tuluyan na itong binawian ng buhay dakong alas-10:30 ng gabi kagabi, Hulyo 7, 2023.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lourdes Vargas, asawa ng biktima, sinabi nito na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin matanggap-tanggap ng kanilang buong pamilya ang nangyari kay Ryan sa kamay ng suspek na kinilalang si Eric Sison.
Aniya, marangal na nagtatrabaho lamang ang kaniyang asawa nang mangyari ang krimen.
Kaugnay nito, naulila ni Ryan ang kaniyang dalawang anak na nag-eedad 6-anyos at 4-anyos gayundin ang kaniyang asawa na labis ang kalungkutan na nararamdaman sa pagkamatay ng kanilang minamahal sa buhay.
Ayon naman kay Analiza Vargas, nanay ng biktima, ang kaniyang anak umano ang tanging inaasahan ng kanilang pamilya lalo na’t galing sa naghihirap na pamilya ang biktima at tanging pagdeliver lamang ng mga parcel ang ikinabubuhay nito.
Dahil dito, nararapat na hustisya at tulong mula sa lahat ang kahilingan ng mga naiwan na pamilya ng nasabing delivery rider.
Sa kabilang banda, binigyang diin naman ni Christipher Jihn Pado na oras na mapatunayan na mula nga sa mismong baril ng suspek ang balang pumatay sa kay Ryan, walang pagdadalawang-isip na magdedemand ang mga ini ng tulong sa mga kamag-anak ng suspek na binawian din ng buhay matapos ang ilang pakikipagplitan ng putok sa mga otoridad.
Sa ngayon, magsasagawa pa umano ng forensic examination ang mga awtoridad upang makita kung ang nagtamang bala kay Ryan at kay Patrolman Ronnie Revereza Jr., ay parehong uri ng kalibre ng baril.