NAGA CITY- Hustisya ang sigaw ngayon ng pamilya ng kagawad na napatay sa nangyaring armed confrontation sa Buhi Camarines Sur.
Kung maaalala una ng isinilbi ang search warrant sa kinilalang si kagawad Froilan Oaferina III, 45-anyos ng Barangay Tambo, Buhi Camarines Sur, at isang fish dealer.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nicco Oaferina, anak ng nasabing opisyal, sinabi nito na tanging ang ama nito at walong pahenante lamang ang nasa loob ng kanilang bahay ng dumating ang mga otoridad.
Ayon kay Nico, sakay ng tatlong pribadong sasakyan ang halos nasa 30 katao na pawang mga armado.
Tumagal umano ng halos dalawang oras ang operasyon bago sila pinapasok sa kanilang bahay at nakita na lamang nila ang kanilang ama na wala ng buhay.
Ngunit bago paman umano dumating ang Buhi Municipal Police Station at ihinain ang search warrant ay naniniwala ang pamilya na una ng hinaloghog ng mga otoridad ang kanilang mga kagamitan.
Nabatid na mayroon ring CCTV sa pinangyarihan ng insidente ngunit hindi na umano ito gumagana.
Ayon dito, matapos patayin ang kanilang ama ay nawawala rin ang mahigit P100,000 na pera ng nasabing kagawad.
Pinabulaanan naman nito na nanlaban ang kanyang ama dahil ayon umano sa mga pahenante nito ay nag makaawa pa ito bago nangyare ang sunod sunod na putok ng baril.
Resulta upang magtamo ng tama sa dibdib, likod at braso si Kagawad Froilan na nag resulta naman ng kanyang agarang pagkamatay.
Samantala, kwento naman ni Nicco na pangarap nya maging police ngunit dahil sa nangyari ay nawalan na umano ito ng tiwala sa nasabing ahensya.
Inilarawan naman nito ang kanyang ama bilang isang responsableng ama at tapat sa kanyang tungkulin sa nasabing barangay kung saan inuuna ang iba bago ang kanyang sarili.
Sa ngayon, hanggad umano ng pamilya Oaferina ang tulong at malinis ang pangalan ng nasabing opisyal