NAGA CITY-Nilinaw ng pamunuan ng Philippine National Railways ang kumakalat na balitang magiging dalawang oras na lamang ang rutang Laguna-Bicol.

Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Deovanni Miranda, Acting General Manager ng Philippine National Railways, sinabi nito na ang nasabing impormasyon ay maituturing na fake news lalo pa’t hindi umano kakayanin ng dati o bagong proyekto ang dalawang oras na operasyon.

Maaalala, pinaplano ng Philippine National Railways (PNR) na muling maikonekta ang Southern Tagalog at Bicol Region sa pag-asang muling buksan ang serbisyo ng tren mula Laguna hanggang Albay bago matapos ang taon ngunit ang nasabing plano ay kailangang maghintay dahil sa kakulangan ng pondo.

Ayon sa opisyal, marami umanong kumakalat na mga post at impormasyon sa social media na nagdudulot ng kalituhan sa publiko.

Kaugnay din nito, humingi rin ng pasensiya si Miranda sa publiko sa pagkantala ng operasyon ng train sa Naga City matapos na malubog ito sa tubig baha dulot ng Bagyong Kristine. Nananatili umanong Naga-Sipocot lamang ang ruta na naibabalik.

Samantala, ngayong araw isinagawa rin ang kauna-unahang PNR Railway Safety Summit sa lungsod ng Naga na layuning maibahagi sa komunidad ang safety campaign ng PNR lalo pa’t noong nakaraang taon, naitala ang nasa 36 na aksidente kung saan 5 ang namatay.

Dagdag pa ng opisyal, simula noong 2024 nagsimula na ang inisyal na kampanya para sa railway safety at ang aktibidad ngayong araw ang itinuturing na pinakamalaking pagtitipon na naisagawa ng PNR kasama ang mga Local Government Units, mga paaralan at iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan.

Umabot naman sa halos 500 na mga katao ang nakibahagi sa nasabing aktibidad.

Sa ngayon, tiniyak na lamang ni Miranda na mas pinaigting ng Philippine National Railway ang kanilang ginagawang safety measures sa Bicol Region.