NAGA CITY- Hangad ng mga Pinoy sa Israel na magpapatuloy na ang katahimikan sa nasabing bansa matapos ang pagdeklara ng ceasefire.
Mababatid na unang sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng Israel at Palestine noong Mayo 10 kung saan maraming buhay ang nasawi gayundin ang mga gusaling nasira.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Anna Andaya Arizala mula sa Israel, sinabi nito na hindi na bago sa mga residente doon ang ganitong sitwasyon dahil dati nang may alitan ang dalawang bansa.
Kaugnay nito, maagap naman ang pamahalaan ng Israel na ipaalam sa mga residente nito kung sakaling magpapakawala ang bansa ng rockets.
Ito’y para na rin agarang makapagtago sa mga bomb shelter ang mga residente sa nasabing bansa.
Sa ngayon, lubos naman ang pasasalamat ni Arizala na walang nadamay na Pinoy sa nasabing kaguluhan.