NAGA CITY- Patuloy na iniimbistigahan ng Naga City Police Office ang nangyaring panghoholdap sa isang botika sa lungsod ng Naga na nasapul sa CCTV Camera.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMAJ. Juvy Llunar, ang Station 2 Commander ng Naga City Police Office, sinabi nito na patuloy pa ang pagkalap ng mga impormasyon ng kanilang himpilan sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek ayon na rin sa nakuhang CCTV footage sa loob ng botika.
Ayon pa sa opisyal, nangyari ang insidente dakong ika pito ng umaga kung saan bigla na lamang umanong pumasok sa loob ng nasabing pharmacy ang suspek at nagdeklara ng holdap sa empleyado na nasa loob nito.
Kaugnay dito, batay naman sa nakuhang footages sa CCTV Camera, ang suspek ang medium built, naka gray jacket at nakasuot ng color pink green na full face bonnet ng sumalakay.
Samantala, dahil sa pangyayari natangay naman ng nasabing kawatan ang nasa P4, 000 na halaga ng pera mula naman sa kaha ng naturang botika.
Ang nabanggit naman na insidente ang lumikha ng pagkatakot sa mga store owners sa lungsod sa maaring sapitin din ng kanilang mga negosyo kung hindi masosolusyunan ang ganitong pangyayari.
Sa ngayon, siniguro naman ni Llunar na mas mahigpit pa ang gagawing pagbabantay ng mga kapulisan sa lungsod ng Naga upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente.