Nagdulot ng panibagong pag-aalala ang mga ulat hinggil sa pahayag ng ilang Chinese scholar na nag-uugnay sa Batanes bilang bahagi ng teritoryo ng China.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rafaela David (Convenor, Atin Ito Coalition), ang naturang pahayag ay maaaring bahagi ng mas malawak na estratehiya ng Beijing sa pagpapalawak ng impluwensiya nito sa rehiyon. Ikinukumpara ito sa naunang “nine-dash line” na idineklarang walang legal na batayan ng Permanent Court of Arbitration noong 2016.
Itinuturing na mahalaga ang Batanes dahil sa lokasyon nito malapit sa Taiwan at sa Bashi Channel, isa sa mga pangunahing rutang dinaraanan ng pandaigdigang kalakalan. Tinatayang isang-katlo ng pandaigdigang kalakalan ang dumaraan sa mga katubigang ito, kabilang ang mahahalagang suplay ng enerhiya. Dahil dito, anumang pagbabago sa kontrol o presensiya sa lugar ay maaaring magkaroon ng epekto hindi lamang sa seguridad ng Pilipinas kundi maging sa ekonomiya ng buong rehiyon.
Binigyang-diin din ng mga tagasuri na hindi sapat ang pagtugon lamang sa mga insidente ng pangha-harass sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Sa halip, iminungkahi ang isang pangmatagalang plano na magpapalakas sa paggiit ng soberanya ng bansa sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatupad ng 2016 Arbitral Award, pagpapalawak ng presensiya ng mga sibilyan at mangingisda sa mga sakop na teritoryo, at regular na mga misyon sa Pag-asa Island.
Kaugnay nito, isinusulong ang tinatawag na “whole-of-nation approach” kung saan makikiisa ang iba’t ibang sektor ng lipunan sa pagtatanggol sa pambansang interes. Kabilang dito ang paglaban sa maling impormasyon at propaganda sa internet, suporta sa mga mangingisda na itinuturing na nasa unahan ng usapin sa West Philippine Sea, at pagpapalakas ng kamalayan ng publiko hinggil sa kahalagahan ng soberanya at karapatan ng Pilipinas sa mga teritoryong sakop nito.
Samantala, iminungkahi rin na ideklara ang Hulyo 12 bilang “West Philippine Sea Victory Day” bilang paggunita sa makasaysayang arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas noong 2016. Naniniwala ang mga eksperto na ang pagkakaroon ng malinaw na pambansang polisiya, pagkakaisa ng mamamayan, at patuloy na paggamit ng mapayapang legal na hakbang ay mahalaga upang mapangalagaan ang soberanya, seguridad, at likas na yaman ng bansa.








