NAGA CITY- Nagkasundo na ang Senado at House of Representatives hinggil sa isyu ng postponement ng Barangay at SK Elections ngayong taon.
Ito ang kinumpirma ni Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado sa pagharap nito sa mga kagawad ng media sa Naga City.
Subalit ayon sa kongresista, hindi aniya nagkakasundo ang mga ito kung ano ang mas mainam na petsa para sa nasabing eleksyon.
Nais aniya ng senado na sa Disyembre 20,2022 ito isagawa subalit sa Mayo 2023 naman aniya ang gusto ng House of Representatives.
Ayon pa kay Bordado, may mga kongresista aniya na nagsasabing mahirap na dalawang magkasunod na eleksyon sa isang taon kung kaya mas mabuti umano na ireset sa susunod na taon.
Samantala inaasahan naman na magkakaroon ng pinal na desisyon hinggil sa naturang usapin bago matapos ang session ng kamara sa Disyembre.