NAGA CITY – Hindi makapaniwala ang alkalde ng Pili, Camarines Sur matapos ang insidente ng pagnanakaw sa Gender and Development Office sa munisipyo ng nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Tom Bongalonta, sinabi nito na kwestiyonable ang nangyari dahil may nakabantay umano sa lugar.
Una dito, napag-alaman na naabutan na lamang na nakakalat na ang mga papeles.
Samantala, nilinaw naman ni PLt. Fatima Lanuza, tagapagsalita ng Pili Municipal Police Station (MPS) na wala umanong nawalang gamit sa loob ng nasabing opisina.
Posible umanong hinalughog lamang ng suspek ang mga gamit at naghanap ng bagay na pwedeng mapakinabangan sa loob ng opisina.
Ayon pa dito, sinira ng suspek ang pinto ng opisina hanggang sa makapasok ito.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente, lalo na ang pag-alam sa pagkakakilanlan ng suspek.