Naghain ng panukala si Senador Mark A. Villar upang maitatag ang isang pambansang sistema ng mga pampublikong parke na maglalayong pangalagaan ang kalikasan, kultura, at kalusugan ng mamamayan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1796, layon ang pagbuo ng Philippine National Public Parks System na magpoprotekta sa biodiversity at magpapalawak ng access ng publiko sa green at recreational spaces sa buong bansa. Ayon kay Villar, mahalagang yaman ang natural landscapes ng bansa na humuhubog sa pambansang pagkakakilanlan.
Iminungkahi rin sa panukala ang pagtatatag ng National at Local Public Parks Authority na mangangasiwa sa mga parke, pati na ang National Parks Institutes na tututok sa research, edukasyon, at capacity-building. Kabilang din dito ang komprehensibong plano para sa pagpapaunlad ng national at urban parks, pati na ang pagtukoy at pagkuha ng mga lupang maaaring gawing parke.
Nakasaad din sa panukala ang pagbibigay ng tax exemptions para sa mga parke at kanilang operasyon, gayundin ang paghikayat sa partisipasyon ng publiko at iba’t ibang sektor upang matiyak ang sustainable na pamamahala.
Binigyang-diin ni Villar na bukod sa pangangalaga sa kalikasan, makatutulong din ang mga parke sa pagpapabuti ng kalusugan at well-being ng mamamayan, kabilang ang pagpapalakas ng pisikal na aktibidad at mental health.
Nanawagan naman ang senador sa kanyang mga kapwa mambabatas at stakeholders na suportahan ang panukala, na aniya’y isang pamumuhunan para sa kinabukasan ng kalikasan at sambayanan.













