Isinumite na sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang batas na naglalayong suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis, kasabay ng panukala para sa muling pagpaliban ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Kinumpirma ni Senate President Vicente Sotto III na naipadala na sa Office of the President ang naturang panukalang batas para sa pinal na pag-apruba.

Nauna nang naipasa ang panukala sa Kongreso at pirmado ni House Speaker Faustino Dy III bago ito isinumite sa Malacañang.

Layunin ng panukalang batas na mabawasan o tuluyang masuspinde ang pagkolekta ng excise tax sa produktong petrolyo upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa merkado.

Advertisement

Ayon kay Sotto, umaasa siyang agad itong mapipirmahan ng Pangulo upang makatulong sa mga motorista at iba pang sektor na labis na naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng krudo.

Kasabay nito, kabilang din sa mga isinumiteng panukala ang pagpapaliban ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, na inaasahang tatalakayin din ng Malacañang sa mga susunod na araw.

Advertisement