NAGA CITY – Inaasahan ang nasa 1.3 milyon o higit pa na mga deboto ang dadalo sa Fluvial Procession ngayong hapon sa lungsod ng Naga.
Mababatid na noong nakaraang Traslacion Procession, umabot sa 950,000 na mga peregrino at mga deboto ang nakilahok sa aktibidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Naga City mayor Nelson Legacion, sinabi nito na naka-preposition na ang mga Peace Officers gayundin ang mga medical team simula pa kaninang alas-6 ng umaga.
Aniya para matiyak din ang seguridad ng mga deboto, nakadeploy na rin ang nasa 1,200 na mga augmented personnel ng Philippine National Police na makakatulong ng Naga City Police Office.
Ang Fluvial Procession ay ang pagbabalik ng imahe ni El Divino Rostro at ni Our Lady of Peñafrancia mula sa Naga Metropolitan Cathedral patungo sa Basilica Minore matapos ang isang linggo.
Mula sa Cathedral, bandang alas-3 ng hapon, magkakaroon ng foot procession patungo sa Reina Del Bicol Landing kung saan isasakay si Ina at si El Divino Rostro sa pagoda kasama ang nasa 200 na mga obispo at kaparian mula sa iba’t-ibang panig ng Bicol region.
Kaugnay din ng nakatalaang pagsasara ng pagdiriwang ng Peñafracia Festival, dumating na kagabi, Setyembre 15, 2023 si Papal Nuncio to the Philippines His Excellency Charles Brown na inaasahan ding sasama sa pagoda.
Dagdag pa ng alkalde na makakatulong sa nasabing Fluvial Procession ang mga tauhan mula sa Philippine Coast Guard (PCG) na aasahan na mag-aassist sa buong durasyon ng sakay kay Ina habang binabaybay ang Naga river.
Sa kabila nito, inaasahan din na anumang oras ngayon ay magkakaroon ng signal jamming para matiyak ang kaligtasan ng milyon-milyong mga deboto na makikiisa sa nasabing pagdiriwang.