NAGA CITY- Patay ang isang pasahero matapos ang sumalpok ang commuter van sa isang truck sa lungsod ng Naga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSGT. Roberto Aguillon, Assistant PIO-NCPO, sinabi nito na batay sa kanilang paunang imbestigasyon, aksidenteng bumangga ang naturang bus sa truck sa kahabaan ng Almeda Highway sa Barangay Triangulo sa lungsod ng Naga.
Ayon sa opisyal, mula pa sa Visayas partikular sa Leyte ang van na mayroong sakay na dalawang pasahero at isang driver at pinaniniwalaaan na dahil hindi kabisado ng driver ang daan kung kaya nangyari ang aksidente.
Dahil naman sa lakas ng impact, naipit sa loob ng van ang isang pasahero habang maswerteng nakaligtas ang dalawang iba pa
Kaagad naman umanong nagresponde ang tauhan ng Naga City Police Office at BFP-Naga upang kaagad na maalis sa pagkakaipit ang hindi na pinangalanang pasahero. Kaagad na dinala ito sa pagamutan ngunit makaraan ang 4 na oras ay tuluyang binawian ng buhay.
Samantala, maituturing naman umano na accident prone area ang lugar lalo na kung gabi at madilim.
Sa ngayon, payo na lamang ng opisyal sa mga motorista na maghinay-hinay sa pagmamaneho ng kanilang mga sasakyan lalo na kung hindi kabisado ang dinaraanan.