NAGA CITY – Sinuspinde ngayon ng Provincial Government ng Camarines Sur ang lahat ng pasok sa kapitolyo dahil kay Bagyong Bising.
Batay sa inilabas na memorandum no.3 ni Governor Migz Villafuerte, nakapaloob dito na simula ngayong araw, Abril 19, suspendido na ang lahat ng pasok sa mga opisina sa kapitolyo.
Ito’y dahil pa rin sa patuloy na pag-uulan at pagbaha sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan.
Ngunit nilinaw naman nito na magpapatuloy pa rin ang serbisyo ng mga opisina na may kinalaman sa disaster risk and reduction management, gayundin ang mga opisina na may kinalaman sa pamamahagi ng mga tulong medikal.
Hinihikayat naman dito ang pagsuspendi sa lahat ng trabaho sa mga ahensya ng gobyerno gayundin ang mga pribadong ahensya dahil pa rin sa epekto na dala ng Bagyong Bising sa lugar.
Alagad, nasa mga namumuno pa rin aniya ng mga ahensya ang desisyon kung magpapatupad ang mga ito ng suspension.
Kung maaalala, nakapagtala na rin ng storm surge sa ilang bahagi ng Rehiyon dahil sa sama ng panahon.
Samantala, batay sa datos ng Office of the Civil Defense (OCD)-Bicol, tinatayang aabot na sa 100,000 ang mga indibidwal na inilikas sa Bicol Region dahil kay bagyong Bising.