NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ng mga residente ang isang Butanding o Whale Shark sa Brgy. Sabang, sa bayan ng Calabanga, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jerome Evangelista, Agricultural Technologists Fisheries ng nasabing bayan, sinabi nito na dakong alas-8 ng umaga araw ng Huwebes, nang makita ng isang residente na si Basilyo Meltran ang nasabing butanding sa gitna ng dagat malapit sa bangka nito.
Ang nasabing butanding ay nakita sa layong mahigit kumulang 30 meters mula sa baybayin at mayroong haba na nasa 6.8 meters.
Batay sa claspers ng isda, isa umanong lalaki ang nasabing butanding na painaghihinalaang nasa mahigit 10 araw nang patay at nasa state of decomposition na rin.
Ayon pa kay Evangelista marami umanong mga butanding sa kanilang lugar pero ito na ang pangalawang pagkakataon na mayroong naiulat na natagpuang patay na butanding.
Paliwanag pa nito, season umano ng alamang kung kaya nagsisilabasan rin ang mga ganitong klase ng malalaking isda dahil kumakain umano ang mga ito ng alamang.
Samantala, agad namang ibinaon ng Calabanga Fisheries Management Unit ang nasabing butanding katulong ang iba pang mga residente sa lugar.
Sa ngayon, muling nanawagan si Evangelista sa lahat ng mga mangingisda at publiko na huwag saktan ang anumang uri ng mga isda sa dagat dahil malaki ang naitutulong ng mga ito sa pagbalanse ng ating ecosystem.