Ilulunsad ng lokal na pamahalaan ng Kalayaan sa Palawan ang tinatawag na “patriotic tours” sa Pag-asa Island simula Abril upang palakasin ang diwa ng nasyonalismo at ipakita ang soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ayon sa Kalayaan LGU, layunin ng programa na maiparanas sa mga kalahok ang aktuwal na buhay sa isla habang pinapalalim ang kanilang pagmamahal sa bansa. Tampok sa tour ang pakikisalamuha sa lokal na komunidad, pagbisita sa mga sundalong Pilipino, at pakikilahok sa iba’t ibang makabayang aktibidad.

Kabilang sa mga gagawin ang pag-awit ng “Lupang Hinirang” habang nakaharap sa karagatan kung saan matatanaw ang mga barko ng China, pati na rin ang pagwagayway ng watawat ng Pilipinas at pagdalaw sa mga tropang naka-deploy sa lugar.

Sa ngayon, nakalaan muna ang programa para sa mga residente ng Palawan, ngunit may plano ang lokal na pamahalaan na buksan ito sa mas marami pang Pilipino sa hinaharap.

Advertisement

Maglalaan ang LGU ng libreng transportasyon gamit ang wooden hull boat para sa mga Palaweño, habang sasagutin naman ng mga kalahok ang kanilang pagkain at matutuluyan.

Maaaring makipag-ugnayan ang mga interesadong sumali sa Kalayaan Municipal Tourism Office para sa booking at iba pang detalye.

Ayon sa LGU, layunin din ng inisyatibong ito na ipakita na ang Pag-asa Island ay hindi lamang isang estratehikong lugar kundi isang buhay na komunidad na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.

Advertisement