Labinlimang katao ang nasugatan matapos dumausdos ang isang patrol car ng Philippine National Police sa Ligao City noong Abril 3, 2026.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Danny Baytec, hepe ng Ligao City Police Station, naka-deploy ang sasakyan sa paanan ng Kawa-Kawa Hill upang mag-monitor sa paligid ng simbahan dahil sa pagdagsa ng mga deboto ngayong Semana Santa.

Sa ulat, huminto ang patrol car sa matarik na bahagi ng Barangay Tuburan nang may lumapit na babae na humiling ng sakay pababa kasama ang isang senior citizen at ilang bata. Bumaba ang driver upang tumulong, iniwang naka-handbrake ang sasakyan at may nakaharang pang bato sa gulong.

Gayunman, bigla umanong gumalaw ang sasakyan at tuluyang rumagasa pababa ng kalsada, kung saan nakasagasa ito ng ilang tao. Nasalpok din nito ang isang paakyat nasasakyan na umano’y ipapabasbas sana sa simbahan.

Advertisement

Agad na dinala sa Josefina Belmonte Duran Albay Provincial Hospital ang 15 sugatan, habang isang kritikal ang inilipat sa Bicol Regional Hospital and Medical Center.

Nagtamo naman ng minor na sugat ang driver ng patrol car matapos niyang habulin at subukang pigilan ang umaandar na sasakyan, ngunit hindi niya ito napigil.

Samantala nangako naman ang Albay Police Provincial Office na gagawin ang lahat upang maipaabot ang kinakailangang tulong ng mga biktima.

Advertisement