NAGA CITY – Umabot na sa 34 katao ang naitalang binawian ng buhay sa pagsabog ng Mt. Semeru sa Java Indondesia.

Sa ulat ni Bombo International News Correspondent Nestor Mendador, mula sa Indonesia, sinabi nito maliban sa 34 na naitalang namatay mayroon pang 17 katao na patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad, habang umabot na sa 5-K katao ang naapektuhan at kasalukuyang nasa iba’t-ibang evacuation centers.

Aniya, patuloy umano ang pagbuhos ng tulong sa mga naapektuhang mga residente ito’y dahil na rin sa naging kautusan ni Indonesia President Joko Widodo na agad na magpadala ng tulong lalo na ang pagkain, inumin at pagpapatayo ng pansamantalang titirahan ng mga apektadong residente.

Ayon pa kay Mendador, una na umanong inakala ng mga residente sa lugar na baha lamang ang rumaragasang lava mula sa nasambing bulkan, ngunit pinagpapasalamat na lamang ng mga ito na sinabayan ng pag-ulan ang pagbubuga ng abo ng bulkan na naging dahilan upang bahagyang paghina ng epekto nito sa kalupaan.

Samantala, karamihan umano sa mga kabahayan sa Malang at Lumajang na pinakamalapit sa bulkan ang natabunan na ng abo habang ang iba naman ay wala ng mauuwian pang mga bahay.

Nilinaw naman ni Mendador na wala pa naman umanong naiiulat na mga Pinoy na nadamay sa nasabing insidente dahil karamihan umano sa mga ito ang nasa iba’t-ibang lungsod sa nasabing bansa.