Nagbabala si Rodolfo Ordanes na posibleng magkaroon ng direktang epekto sa suplay at dami ng pagkain ang patuloy na pagtaas ng presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene sa bansa.
Ayon kay Ordanes, na kumakatawan sa Senior Citizens party-list, maaaring mapilitan ang mga karinderya na bawasan ang serving ng kanilang mga pagkain upang makasabay sa tumataas na gastusin sa pagluluto. Aniya, hindi lamang sektor ng transportasyon ang tinatamaan ng oil price hike, kundi pati na rin ang industriya ng pagkain.
Dagdag pa ng mambabatas, maaari ring magbago ng paraan ng pagluluto ang ilang establisimyento tulad ng mga restaurant, panaderya, at maliliit na kainan. Posibleng bumalik ang ilan sa paggamit ng uling bilang alternatibo sa LPG upang makatipid sa gastusin.
Magugunitang noong ika-1 ng Abril ay ipinatupad ang unang dagdag-presyo na P5 kada kilo ng LPG. Inaasahan pang masusundan ito ng panibagong P5 na dagdag sa susunod na linggo, na lalo pang magpapabigat sa gastusin ng mga negosyante at mamimili.
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, nananawagan si Ordanes sa pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang upang mapagaan ang epekto nito sa mga maliliit na negosyo at sa pang-araw-araw na pagkain ng mga Pilipino.














