Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mapayapang resolusyon sa lumalalang krisis sa Gitnang Silangan habang isinusulong din ng Pilipinas ang kandidatura nito para sa puwesto sa United Nations Security Council sa kanyang dalawang araw na working visit sa New York City, United States.

Dumating sa New York nitong Linggo si Marcos kasama si Liza Araneta Marcos para sa dalawang araw na working visit kung saan inaasahang tatalakayin ang isyu ng kapayapaan sa Gitnang Silangan at ang diplomatikong layunin ng Pilipinas sa United Nations.

Sinalubong ang Pangulo nina Jose Manuel Romualdez, Philippine Ambassador sa US; Enrique Manalo, Philippine Ambassador sa UN; at Theresa Lazaro, Kalihim ng Department of Foreign Affairs, kasama ang mga opisyal ng Philippine mission sa New York.

Ayon sa Pangulo, ibabahagi niya sa international community ang hangarin ng mga Pilipino para sa kapayapaan at pagkakaisa. Nanawagan din siya ng pagpipigil, dayalogo, at paggalang sa international law upang maresolba ang lumalalang tensyon sa rehiyon.

Advertisement

Inaasahan ding makikipagpulong si Marcos kay Antonio Guterres, Secretary-General ng United Nations, upang talakayin ang sitwasyon sa Gitnang Silangan.

Samantala, sinabi ni Romualdez na mahalaga para sa Pilipinas ang agarang resolusyon ng sigalot dahil sa posibleng epekto nito sa ekonomiya ng bansa at sa kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFW) na nagtatrabaho sa rehiyon. Isa ang Gitnang Silangan sa may pinakamalaking bilang ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.

Advertisement