Magpapadala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng pormal na kahilingan sa Kongreso para makakuha ng kapangyarihang pansamantala na pababain ang excise tax sa mga produktong petrolyo, kasunod ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan at pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Layunin ni Marcos na ipasa bilang “urgent” ang mga panukalang batas na magbibigay sa kanya ng kapangyarihang bawasan ang excise tax sa langis kapag ang presyo ng Dubai crude oil ay lumampas sa $80 bawat bariles.
Sinabi naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nakikipag-ugnayan sila sa tanggapan ng Executive Secretary Ralph Recto kaugnay ng mga panukala. Kasama sa pinag-uusapan ay ang suspensyon ng excise tax sa langis at pahintulot sa importasyon ng biofuel upang tugunan ang epekto ng mataas na presyo ng gasolina.
Noong nakaraang linggo, naghain si Rep. Miro Quimbo ng House Bill 8257 na magbibigay sa Pangulo ng kapangyarihang suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis sa panahon ng pambansa o pandaigdigang krisis sa ekonomiya. Ayon sa panukala, maaari itong gawin kung ang presyo ng Dubai crude ay patuloy na higit sa $80 sa loob ng tatlong buwan, o kung may idineklara na pambansang emergency o kalamidad na nagdulot ng matinding pagtaas sa presyo ng petrolyo.














