NAGA CITY – Naging mainit ang pagsalubong ng mga Bikolano lalo na ng mga residente ng Nabua, Camarines Sur kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa launching ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair kaninang umaga, Setyembre 23, 2023.
Isinagawa ang nasabing aktibidad sa Camarines Sur Polytechnic Colleges (CSPC) campus grounds sa nasabing bayan.
Sa naging pahayag ng Pangulo, sinabi nito na full force ang mga ahensiya at institusyon ng pamahalaan para sa pagbibigay ng tulong medikal, pangkabuhayan, pangkalusugan, tulong pinasyal, pang-edukasyon gayundin ang pagdala ng flagship program ng kaniyang administrasyon na Kadiwa ng Pangulo na nagbebenta ng murang produkto para sa mga mamamayan.
Sa naturang serbisyo fair, ang mga mamamayan sa nasabing bayan ay maaaring makapag-avail ng pagkuha ng Drivers license, Registration assistance, National ID, Police at NBI Clearance.
Ayon pa sa Punong Ehekutibo, maliban sa serbisyo fair, nagbigay din ng ayuda ang DA at PCA sa mga magsasaka gaya na lamang ng Tractor, harvester, truck na pangkarga at iba pang gamit sa sakahan.
Maliban ditp, nagbigay din ng ayuda ang BFAR sa mga mangingisda gaya ng fish cage package at bangkang de motor, habang nagbigay din ang DOH ng wheelchair para sa mga senior citizen at mga may sakit.
Samantala, nagpa-abot naman ng pasasalamat ang Pangulo sa mainit na pagsalubong ng publiko sa kaniyang muling pagbisita sa lalawigan ng Camarines Sur.
Matapos naman ang naging pagbisita sa CSPC, tumungo ito sa St. Anthony Forum Building sa Iriga City para mamahagi ng bigas sa 2,000 beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa kabila nito, naging mahigpit din ang seguridad sa lugar kung saan nagkaroon din ng pagsara sa ilang ruta sa nasabing bayan para matiyak ang kaligtasan ng Pangulo.
Sa ngayon, tiniyak na lamang ni Marcos Jr. na patuloy ang kanilang pagsisikap para maisulong ang Bagong Pilipinas na maipapamana sa mga susunod na henerasyon.