Nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko, lalo na sa mga may kakayahang bumili nang maramihan, na iwasan ang pagho-hoard ng diesel sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon sa suplay ng langis.
Ayon sa kanya, tanging ang mga consumer na may lehitimong pangangailangan lamang ang pinapayagang mag-imbak ng gasolina, kabilang ang mga mangingisda, marine equipment operators, mga ospital, at iba pang gumagamit ng generator set para sa operasyon.
Kinondena rin ng Pangulo ang mga insidente ng fuel theft at iba pang iregularidad na may kaugnayan sa langis, na aniya’y nagpapalala sa sitwasyon ng suplay.
Iginiit niya na nakakalungkot at nakakagalit ang mga ulat na may ilang indibidwal na sinasamantala ang sitwasyon para sa pansariling kapakinabangan. Kabilang dito ang naiulat na pagtakas ng isang motorista matapos magpakarga ng gasolina nang hindi nagbabayad at ilegal na paglilipat ng diesel sa pribadong sasakyan.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang panganib ng hindi wastong pag-iimbak ng diesel na maaaring magdulot ng peligro sa mga komunidad, lalo na kung hindi nasusunod ang tamang safety measures.
Nanawagan din siya sa bayanihan at pagiging makatarungan sa kapwa.
“Sa paghahanap natin ng ginhawa, huwag naman sana tayong manlamang sa kapwa. Hindi ganyan ang Pilipino,” pahayag ng Pangulo.














