Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pamimigay ng P5,000 cash assistance sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs) na labis na naapektuhan ng biglaang pagtaas ng presyo ng langis.
Naganap ang unang payout sa Sta. Mesa, Manila, kung saan nakatanggap ng tulong 97,047 tricycle drivers sa Metro Manila sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Transportation (DOTr), at lokal na pamahalaan. Target ng programa na makatulong sa kabuuang 358,203 PUV drivers sa rehiyon, at inaasahang maipapatupad sa buong bansa pagsapit ng Abril matapos makumpleto ang listahan ng mga benepisyaryo.
Binanggit ni Marcos na uunahin ang tricycle drivers, kasunod ang mga driver ng jeepneys at TNVS, at tiniyak ng pamahalaan na patuloy nilang minomonitor ang sitwasyon sa Middle East upang matiyak ang kabuhayan ng mga Pilipino.
Kasabay nito, inanunsyo ng Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang P1.00 taas-pasahe para sa traditional jeepneys at P2.00 sa modern jeepneys simula Huwebes. Samantala, plano rin ng pamahalaan ang “Libreng Sakay” program upang mabawasan ang pasanin ng mga commuters sa gitna ng pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin.














