Umaasa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkakaroon ng ceasefire sa Middle East habang patuloy ang paglala ng sigalot, kasabay ng pag-amin ng pamahalaan na 1,416 Pilipino sa rehiyon ang humiling na ng repatriation.
Sa isang special Cabinet meeting sa Malacañang nitong Martes, sinabi ng Pangulo na hindi maaaring direktang manawagan ng tigil-putukan ang Pilipinas dahil hindi ito kabilang sa mga panig ng labanan, ngunit umaasa ang bansa na agad itong matatapos.
Aniya, pangunahing prayoridad ng gobyerno ang kaligtasan ng tinatayang 2.5 milyong Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Middle East. Sa kabuuang bilang ng mga nagpasabing nais nang umuwi, 297 ay mula sa Israel, 22 sa Jordan, 231 sa Bahrain at 856 sa United Arab Emirates.
Gayunman, aminado si Marcos na nahahadlangan ang repatriation efforts dahil sa pagsasara ng ilang paliparan at umiiral na no-fly zones bunsod ng mga pag-atake at ganting-hakbang sa rehiyon. Aniya, mapanganib ang paglipad ng eroplano sa kasalukuyan at maging ang paglalakbay sa lupa ay delikado dahil aktibong combat zone ang ilang lugar.
Pinayuhan ng Pangulo ang mga Pilipino sa mga apektadong bansa na manatili muna sa ligtas na lugar at umiwas sa paglabas hangga’t hindi humuhupa ang tensyon, habang patuloy na naghahanap ang pamahalaan ng pinakaligtas na paraan para sa kanilang pag-uwi.
Samantala, kinumpirma rin ng mga ulat na kabilang sa mga nasawi sa sigalot ang isang 32-anyos na Filipina caregiver na tinamaan ng shrapnel sa gitna ng mga pag-atake.
Sa Senado, itinakda ni Sen. Erwin Tulfo, chair ng Senate committee on foreign relations, ang pagdinig sa Biyernes upang alamin ang contingency measures ng Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers para sa repatriation ng mga Pilipino. Nais din niyang ipaliwanag ng Department of Energy ang plano nito sa fuel subsidies at alternatibong mapagkukunan ng langis sakaling maapektuhan ang suplay.
Tiniyak naman ng mga opisyal ng seguridad na sa ngayon ay walang beripikadong direktang banta sa teritoryo ng Pilipinas, at nananatili ang epekto ng labanan sa loob ng rehiyon ng Middle East.
Patuloy ang panawagan ng pamahalaan sa lahat ng panig na magpakita ng pagpipigil upang maiwasan ang lalo pang paglala ng krisis na maaaring makaapekto sa pandaigdigang seguridad at ekonomiya.














