NAGA CITY – Sinuspinde ng Coast Guard Camarines Norte ang lahat ng byahe ng mga sasakyang pandagat sa kanilang lalawigan dahil sa masamang lagay ng panahon na nararanasan dahil sa epekto ng Bagyong Carina.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Coast Guard Lieutenant Junior Grade Jason Lavidia, Commander ng Coast Guard Station Camarines Norte, na sa kasalukuyan ay mayroon silang 11 pasaherong na-stranded sa Calaguas Island at isang pampasaherong motor banca.
Dagdag pa ni Lavidia, hindi pa sila basta-basta mag lilift ng suspensiyon lalo pa’t nasa loob pa ng Philippine Area of Responsibility ang sama ng panahon.
Sa ngayon, naghihintay pa sila ng advisories mula sa PAG-ASA para malaman kung kailangan pang suspendihin o hindi ang byahe ng mga ito.
Ayon sa opisyal, base sa kanilang monitoring, nananatiling malakas ang alon sa dagat na delikado para sa mga mangingisda at iba pang sasakyang pandagat.
Pansamantala namang mananatili sa kanilang tinutuluyan ang mga stranded na pasahero sa Calaguas Island hanggang sa ma-lift ang suspensyon.
Sa ngayon, wala pa silang napapansing sumusuway at hindi sumusunod sa mga itinakdang alituntunin. Sa kabilang banda, naka-standby naman ang kanilang mga tauhan para sa oras ng emergency.