NAGA CITY- Pinawi ngayon ng Philippine Coast Guard ang pangamba sa publiko matapos mamataan ang isang barko na dumaong sa karagatang sakop ng Sagnay, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay LTJG. Bernardo Pagador Jr. station commander ng PCG- Camarines Sur, sinabi itong walang kailangang ikatakot ang publiko sa naturang barko dahil isa aniya itong Philippine Registered Vessel na magkakabit lamang ng cables sa lugar.
Aniya, mayroon rin itong permit mula sa Maritime Authority kung kaya lehitimo at walang ginagawang iligal ang mga ito sa lugar.
Samantala, nanawagan naman si Pagador sa publiko na huwag agad magpapalabas ng impormasyon sa social media na nagdadala ng takot at pangamba sa publiko.
Una rito, ayon kay Pagador, natakot lamang ang mga tao matapos kumalat sa social media na mga dayuhan ang sakay ng nasabing barko na nagmimina at naglalagay ng kung anu-anong mga bagay sa kadagatan.