NAGA CITY – Nagpapatuloy ang isinasagawang Damage at Loses Assessment ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Quezon at ng lokal na pamahalaan sa mga bayan ng lalawigan ng Quezon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Melchor Avenilla Jr., ang Provincial Government Head ng PDRRMO, sinabi nito na ginagawa na umano ng kanilang opisina ang lahat para agad na makakuha ng report sa epekto ng pananalasa ng Bagyong Karding sa kanilang lalawigan.

Kaugnay nito, ayon sa ipinalabas na initial report nasa 5,026 na mga pamilya o katumbas ng 18,095 na mga indibidwal ang inilikas sa buong lalawigan ng Quezon kung saan karamihan dito ay mula sa Polilio Groups of Islands, Real, Infanta at General Nakar.

Dagdag pa ni Avenilla, nakapagtala ang nasabing lalawigan ng infrastructure damages gaya ng pagkasira ng mga kalsada at mga kabahayan.

Maliban dito, nagkaroon din ng pinsala sa agricultural sector na pagsisikapan nilang muling matulungan at maibangon.

Ngunit ngayon lamang na hapon ay kinumpirma ng PDRRMO na mayroon nang isang casualty sa lalawigan dulot ng pananalasa ng Bagyong Karding.

Ito ay isang 70-anyos na senior citizen, residente ng Sitio Subok, Barangay Aluyon, Burdeos, sa naturang lalawigan kung saan natabunan umano ito ng landslide sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.

Ang nasabing biktima ay narekober ng mga tauhan ng Burdeos PNP katulong ang mga barangay official.

Maliban dito, may mga naitala ring sugatan sa lalawigan dahil pa rin sa bagyo gaya na lamang ng isang barangay kagawad sa bayan ng Polillo matapos itong mahulog mula sa bubong ng kanyang bahay.

Ayon sa ulat, nag aayos ng kaniyang bubong ang biktima bilang paghahanda sa paparating na bagyo nang aksidente itong mahulog.

Agad naman itong isinugod sa pagamutan sa Polillo para malapatan ng lunas.

Sa kabila naman nito, hinihintay pa rin ng nasabing ahensiya ang iba pang mga ulat dahil nasa majority pa ng mga bayan sa Quezon ang hindi pa rin nakakapag-report sa kanilang opisina.

May mga lugar din umano sa nasabing lalawigan ang nakapagtala ng mataas na lebel ng tubig kasama na ang Burdeos at Patnanungan.

Samantala, ibinahagi pa ni Avenilla na wala umanong kuryente ilang bahagi ng lalawigan ngunit posible umanong maibalik bukas o sa mga susunod pang araw depende sa sitwasyon.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang kanilang assessment at pagbibigay ng mga relief goods sa lahat ng mga mamamayan sa buong lalawigan ng Quezon lalo na ang labis na naapektuhan ng nasabing bagyo.