NAGA CITY- Patay ang isang pedicab driver matapos na mabangga ng saksayan sa Calabanga, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Eduardo Borraga, 49-anyos, residente ng Gawad Kalinga, Sta Cruz Poblacion sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCpl. Jesolyn Ordas, Traffic Investigator Calabanga Municipal Police Station, sinabi nito na habang lulan ang biktima ng kaniyang pedicab at papunta sana sa eastbound ng nasabing lugar nang aksidente itong mabangga at masagasaan pa ng sasakyan na minamaneho ni Rogelio Sarao, 66-anyos.

Aniya, nag-overtake umano ang sasakyan ni Sarao sa kasunudan nitong truck ngunit hindi nito napansin ang kasalubong naman na isa pang truck.

Linihis naman ng suspek ang sasakyan ngunit hindi nito nailagan ang sasakyan ng biktima.

Agad naman na dinala sa ospital si Borraga ngunit binawian din ng buhay.

Dagdag pa ni Ordas, mabilis umano ang patakbo ng suspek at pinaniniwalaang nakainom din.

Nabatid na hindi naman accident prone area ang lugar.