NAGA CITY – Labis nang naapektuhan ang mga residente ng Brgy. Tinangis Pili, Camarines Sur dahil sa mga perwisyong langaw mula sa isang poultry farm.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ferdinand Cena, Brgy. Kagawad ng nasabing lugar, sinabi nito na inirereklamo ng mga residente sa kanilang barangay ang pagkakaroon ng maraming langaw.
Ito’y dahil sa umano’y pagpapabaya ng kanilang panig, ngunit binigyang diin nito na ginagawa nila ang lahat upang masolusyunan ang nasabing problema tulad ng pag-spray at pagpunta sa nasabing farm kung saan nanggagaling ang mga langaw.
Nagkakasakit na rin ang mga residente sa lugar at may naitala na ring kaso ng dengue na pinaniniwalaang dahil rin sa nasabing isyu.
Ayon kay Cena, binigyan nila ng panahon ang may-ari ng farm para masolusyunan ang problema ngunit kapag hindi ito nagawa ay mapipilitan silang ipatigil ang kanilang operasyon.
Nasa halos isang ektarya lamang ang sakahan ngunit ang buong Zone 3 at Zone 4 ay apektado na ng mga langaw.
Habang sa ibang mga zone naman ay iniwan lang ang ginagamit na truck ng farm.
Bukod dito, nakipag-coordinate na rin ang mga ito sa LGU-Pili at RHU para kausapin ang Manager nito.
Samantala, bumuti naman ang kapayapaan sa kanilang barangay habang sinisikap pa rin nilang mapanatili ito lalo na’t sinusunod naman ng mga residente ang kanilang mga pakiusap.
Bukod dito, ipinapatupad na rin ang curfew hours sa lugar kung saan ito naman ang nakikitang dahilan ng mga awtoridad sa pagbaba ng naiitalang kaso ng child abuse sa kanilang barangay.