NAGA CITY – Kasabay ng pag-alala sa pagkamatay ni Jesukristo kahapon, Byernes Santo, nagkabakbakan naman ang tropa ng pamahalaan at mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng Masbate.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Division Public Affairs Office (DPAO)) ng 9th Infantry Division, Philippine Army, nabatid na tumutulong sa relief distribution ang 2nd Infantry Battalion (2IB) at Philippine National Police para sa mga residente ng Barangay Cabas-an, Aroroy, Masbate nang biglang paputukan ng tinatayang nasa 15 miembro ng Communist Terrorist Group (CTG).
Kaugnay nito, agad namang gumanti ang mga otoridad kung saan tumagal ng limang minuto ang palitan ng putok ng magkabilang panig.
Dalawang miembro ng mga rebelde ang naaresto habang isang cal. 45, dalawang homemade shotguns, isang carbine rifle, anti-personnel mines at assorted ammunitions naman ang narekober sa encounter site.
Kaugnay nito, kinondena ni MGen Fernando Trinidad, Division Commander, ang nasabing pang-aatake kasabay ng Semana Santa at sa gitna ng pagtulong sa mga residenteng apektado ng enhanced community quarantine.