NAGA CITY- Tiniyak ngayon ng mga sundalo mula sa 901st Infantry Brigade na naibibigay nila ang tulong na kailangan ng mga naapektuhan ng lindol sa Mindanao.
Ito’y may kaugnayan sa sunod-sunod na naitalang lindol sa naturang region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. Joash Pramis ng 901st IB sinabi nitong, nakafull alert sila maging ang iba pang ahensya ng gobyerno dahil sa sunod-sunod na pagyanig.
Aniya, patuloy rin ang kanilang monitoring ng mga kalsada na lubhang naapektuhan at mga bumitak na dingding ng mga gusali.
Subalit sa kabila nito, tiniyak naman ng opisyal na nasa mabuting kalagayan ang mga sundalong Bicolano na kasalukuyang naka-assign sa lugar.
Samantala, nanawagan naman si Pramis na panalangin sa mga mamamayan sa Mindanao na malampasan ang naturang trahedya.