NAGA CITY- Wala aniyang nakikitang problema ang Philippine Army sa pagpapatupad ng panukalang Anti-Terrorism Bill sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. John Paul Belleza, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) kan 9th Infantry Division, Philippine Army, sinabi nitong sa pamamagitan ng naturang panukala, maiibsan ang kaguluhan sa bansa.
Inaasahan na rin umano nito ang pagtutol ng mga grupong sumusuporta sa New People’s Army (NPA) lalo pa’t deklarado na rin ang mga ito bilang teroristang grupo.
Kaugnay nito, ayon din kay PLt.Col James Ronatay, tagapagsalita ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), suportado rin ng Philippine National Police (PNP) ang naturang panukala dahil layunin aniya nito na protektahan ang mga mamamayan mula sa terrorist acts.
Samantala, may susundin din naman na mga guidelines ang PNP lalo na pagdating sa pag-aresto sa pinaniniwalaang may kinalaman sa mga teroristang grupo.