NAGA CITY – Patuloy na nagbibigay ng livelihood programs ang mga miyembro ng Philippine Army para sa mga residenteng nakabalik loob na sa gobyerno sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lt.Col Genevee Dañas, Battalion Commander ng 9th CMO Battalion, Philippine Army, sinabi nito na isinasagawa ang aktibidad upang mabigyan ng kaukulang tulong ang mga indibidwal na naligaw ng landas sa pagsisimula ng kanilang pagbabagong buhay.
Pagkatapos nito, magsasagawa ng monitoring ang Department of Labor and Employment upang matiyak na talagang ginagamit ng mga benepisyaryo ang mga bagay na kanilang natanggap.
Dalawang beses na ring isinagawa ang nasabing aktibidad sa Naga City, kung saan namahagi sila ng fingerlings sa mga mangingisda at mga cash gift.
Maliban dito, pinaplano rin nilang ilapit ang mga ito sa Department of Agrarian Reform (DAR) upang mabigyan din sila ng lupang sakahan.
Sa kabilang banda, patuloy na hinihikayat ni Ramon Oliva, Chairman ng Metro Naga Peace Movement Federation, ang mga naliligaw ng landas na magbagong buhay na at tangkilikin ang tulong na ibinibigay ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, mayroon silang humigit-kumulang 300 miyembro at tinatamasa nila ang kapayapaan ng kanilang buhay at hindi gaanong nag-iisip ng anuman.
Pakiramdam niya umano ay umuunlad rin ang kanilang buhay dahil sa mga natatanggap na tulong. Dagdag pa ni Oliva, kusa itong nagbalik loob at nakaranas ng pananakot mula sa mga miyembro ng tropa ng gobyerno.