NAGA CITY- Patuloy ang ginagawang pagta-trabaho ng embahada nang Pilipinas sa Damascus Syria upang kaagad na mapauwi sa Pilipinas ang nasa higit 10 mga OFW na humingi ng tulong sa kanilang opisina.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay John G. Reyes mula sa Embassy of the Philippines sa Damascus, Syria, sinabi nito na mayroong higit 10 na Pinoy ang dumulog sa Philippine Embassy upang mapauwi na ang mga ito sa Pilipinas matapos na iwan ng kanilang mga employer dahil sa takot sa pagsiklab ng kaguluhan sa lugar.

Ayon kay Reyes, nilalakad na ng kanilang abogado ang mga kinakailangan ngunit patuloy pa umano ang kanilang paghihintay na muling magbukas ang immigration upang kaagad na maproseso ang repatriation.

Kaugnay nito, inaasahan na sa December 18 pa magbubukas ang immigration dahil paunti-unti na ring pinapabalik ang mga kawani ng pamahalaan sa nasabing bansa.

Dahil dito, wala pa umanong target na petsa kung kailan makakauwi ng Pilipinas ang mga nasabing OFW.

Sa kabilang banda, sa kasalukuyan tahimik na sa Syria, wala ng putukan, bukas na ang mga bangko, tindahan at balik operasyon na ang mga negosyo.

Dagdag pa ni Reyes, mayroon na rin na bumabalik na mga Syrian sa lugar dahil mataas umano ang kanilang kumpiyansa sa bagong PM dahil bihasa ito sa administrasyon at batas.

Ang nasabing bagong PM ang mamumuno sa pagbangon ng Syria, reconstruction, pagbuo ng mga gabinete at iba pa.

Binigyang diin pa ni Reyes na wala namang pagbabago sa ekonomiya ng Syria at wala namang bagong panuntunan maliban sa 3 gabi na curfew ngunit umaasa ang lahat na magiging maayos na ang nasabing bansa.

Sa ngayon, tiniyak na lamang ni Reyes na patuloy ang kanilang pagmonitor sa mga Pinoy na nasa Syria upang mapaabutan ng tulong kung kinakailangan.