NAGA CITY- Nagsagawa ng Humanitarian Relief distribution sa mga naapektuhan na areas sa Bicol Region ang Philippine Red Cross ngayong araw.
Isinagawa ang nasabing Relief distribution kanina, alas 10 ng umaga sa NIA Covered Court sa Naga City at bandang alas 12:45 naman sa Brgy. Malitbog, Minalabac, Camarines Sur.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Philippine Red Cross chairman and CEO Richard J. Gordon, sinabi nito na mula Day 1 nagpadala na ang Philippine Red Cross ng amphibians, 6×6 trucks, rubber boats, pagkain at iba pang suplay sa mga naapektuhan na residentes sa may bahagi ng Naga City, Camarines Sur at sa iba pang apektadong lugar sa Bicol Region.
Ayon kay Gordon, nakahanda anumang oras ang kanilang hanay sa pagbibigay ng asistensiya o tulong sa mga nangangailangang sa panahon ng kalamidad.
Aniya, walang problema sa suplay at puno umano ito ng mga basic needs ng mga tao gaya na lamang ng pagkain, hygiene kits, medicine kits, mayroon ding mosquito net at iba pa na makakatulong sa mga residentes na naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Maliban dito, may darating pa umanong food trucks na mayroong mainit na pagkain at water tankers lalo pa’t maraming mga naapektuhan ng bagyo ang nakakaranas ng kakulangan sa suplay ng pagkain at inuming tubig.
Dagdag pa ni Gordon, mananatili ang mga nasabing trucks hanggat kailangan ng mga tao at kung kulang pa umano, handang magdagdag pa ng suplay ang Philippine Red Cross.
Samantala, binigyang diin pa ni Gordon na mayroon pang paparating na tulong mula sa Singapore, Korea, Malaysia at ibang pang sektor.
Sa ngayon, hinikayat na lamang ng opisyal ang mga naapektuhan ng Bagyong Kristine na tulungan ang kanilang mga sarili upang mas mapadali ang pagbangon mula sa hagupit ng Bagyo.