NAGA CITY – Kinilala bilang Philippines Most Outstanding Municipal Mayor in Local Governance and Development Award 2023 ang alkalde ng bayan ng Libmanan, Camarines Sur.
Mababatid na ang paggawad ng naturang parangal ay isinagawa sa Grand Ballroom Okada Hotel sa Paranaque kasabay ng paggawad ng parangal sa music, arts at Broadcasting.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mayor Jess Camara, sinabi nito na isang malaking karangalan para sa isang ama ng bayan na makilala ng iba ang pagsisikap na ginagawa nito para sa ikabubuti at ikauunlad ng kaniyang nasasakupang lugar.
Aniya, malaking bagay na maiuwi ang naturang pagkilala dahil patunay lamang ito na nasa tamang landas ang mga namumuno ng isang bayan at nararamdaman din umano ng mga residente ang mga programa para sa publiko.
Dagdag pa ng opisyal, ang award na ito ay magsisilbing inspirasyon para mas ipagpatuloy pa ang mga nasimulan sa loob ng isang taon na pag-upo nito bilang alkalde ng nasabing bayan.
Kasali kasi sa mga programa at proyekto ng kanilang bayan ang pagbibigay ng P22.5 million sa 75 na barangay sa loob lamang ng 100 days na pag-upo nito sa posisyon; pagbibigay ng ayuda o tulong sa mga senior citizens; mga road projects; at iba pang mga ongoing projects.
Samantala, ipinaabot na lamang ni Camara ang kaniyang pasasalamat sa award giving body at gintong parangal committe para sa pagkilala sa kaniyang pagsisikap na maiangat ang buhay ng kanilang mga nasasakupan.