NAGA CITY-Alam ba ninyo mga ka-Bombo, labis na nagulat at nagmistulang nagkaroon ng himala matapos na biglang makatakbo ang isang lalaki na nakasaklay malapit sa EDSA carousel bus way para habulin ang isang marshal na nanita sa kanya.

Makikita sa video na lumabas online na sinusundan ng marshal ang lalaki at pinagsasabihan.

Ngunit bigla na lamang itong naglabas ng patalim kung kaya binalaan ito ng marshal na ibaba ang kutsilyo.

Nang malapit na itong masukol ay bigla na lamang binitawan ng lalaki ang saklay at parang biglang gumaling mula sa kaniyang kapansanan at mabilis na tumakbo upang habulin ng patalim ang marshal.

Ayon sa marshal, sinita nito ang lalaki dahil sa reklamo ng ilang commuters na nangmumura umano at naglalabas ito ng patalim kapag hindi binibigyan ng limos.

Nakilala ang lalaki sa pangalang Ariel na ayon sa mga awtoridad ay pagala-gala sa EDSA carousel bus way at namamalimos, nangmumura ng mga pasahero at nambabato ng bus na tila wala sa katinuan.

Ngunit napag-alaman na walang himala, dahil ang lalaking pilay na inakalang himalang nakatakbo ay nagpipilay-pilayan lamang naman pala.