Pinaplano ng Pilipinas at Estados Unidos ang pagtatayo ng 4,000-acre economic security zone sa Luzon na layong palakasin ang supply chains at kooperasyong pang-ekonomiya ng dalawang bansa.

Ayon sa U.S. State Department, ang itatayong industrial hub ay inaasahang lilikha ng mga produktong mahalaga sa supply chains ng Estados Unidos, lalo na sa gitna ng lumalaking demand sa mga kritikal na mineral.

Binanggit ng ahensya na mayaman ang Pilipinas sa nickel, copper, chromite, at cobalt na mahalaga sa pandaigdigang supply chain, at makatutulong ang proyekto upang mas mapalakas ang access ng U.S. sa mga yamang ito, gayundin sa workforce ng bansa at estratehikong lokasyon nito sa Indo-Pacific trade routes.

Ang economic security zone ay itatayo sa loob ng Luzon Economic Corridor, na itinuturing na mahalagang sentro ng pagpapaunlad ng industriya at kalakalan.

Advertisement

Ayon pa sa datos, noong Enero ay umabot sa humigit-kumulang $1.16 bilyon ang export ng Pilipinas patungong Estados Unidos, na nananatiling pangunahing destinasyon ng mga produktong Pilipino.

Samantala, nananatili rin ang U.S. bilang isa sa mga pangunahing pinanggagalingan ng import ng Pilipinas, na ika-lima sa kabuuang tala sa parehong panahon.

Advertisement