Nakatanggap ang Pilipinas ng panibagong 220 bilyong yen o humigit-kumulang ₱84 bilyong pautang mula sa Japan nitong Biyernes, na magsisilbing ikaapat na tranche ng financing para sa Metro Manila Subway Project mula pa noong 2018.

Nilagdaan ang kasunduan sa pagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Transportation (DOTr), at Embassy of Japan sa Pilipinas, na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).

Ayon kay Japanese Ambassador Endo Kazuya, ang tulong ng Japan ay hindi lamang pinansyal kundi simbolo rin ng mas matibay na ugnayan at pagtutulungan ng dalawang bansa para sa economic development. “Ang loan na ito ay patunay ng aming matatag na relasyon at kooperasyon sa Pilipinas,” ani Endo.

Sinabi naman ni DFA Secretary Tess Lazaro na malaking tulong ang subway project upang maibsan ang matinding trapiko sa Metro Manila at mapalakas ang ekonomiya. “Sa pamamagitan ng proyekto, magkakaroon ng mas mabilis at episyenteng transportasyon sa kabuuan ng metro,” dagdag ni Lazaro.

Advertisement

Ang linya ng subway ay dadaan mula Valenzuela hanggang Bicutan, at mag-uugnay sa mga pangunahing business district tulad ng Ortigas at Bonifacio Global City, pati na rin sa mga transport hub tulad ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), North-South Commuter Railway, at MRT-3. Ayon sa DOTr, target ang demonstration run ng subway sa unang quarter ng 2028 at full operations pagsapit ng 2031.

Samantala, may hiwalay ding loan agreement para sa Central Mindanao High Standard Highway Project na ipatutupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ito ay nagkakahalaga ng 1.672 bilyong yen (humigit-kumulang ₱644 milyon) at magsisilbing bagong infrastructure na magdudugtong sa ilang lugar sa Misamis Oriental at Bukidnon.

Ang highway ay may habang 64.7 kilometro at may 47 tulay, kabilang ang 9 na malalaking tulay. Kapag natapos, inaasahang mababawasan ang biyahe mula Cagayan de Oro hanggang Malaybalay mula 6.5 oras tungo sa 3.5 oras, na magpapabilis sa paggalaw ng tao at kalakalan sa rehiyon.

Ang magkakasunod na proyektong ito ay bahagi ng mas malawak na plano ng gobyerno para sa modernisasyon ng transportasyon sa bansa, na inaasahang magdudulot ng mas episyenteng mobility at economic growth sa parehong Metro Manila at Mindanao.

Advertisement