NAGA CITY – Naging matagumpay ang isinagawang early voting sa lungsod ng Naga kaninang umaga, Oktubre 30, 2023 kaugnay ng isinagawang barangay at sangguniang kabataan election.
Maaalala, tanging sa Naga City lamang isinagawa ang early voting sa buong Bicol Region, at pangalawa naman sa buong bansa, kasama ang Muntinlupa City. Kung saan ang layunin nito ay mabigyan ng maagang access upang makaboto ang mga senior citizens, buntis at Persons with disabilities, ito’y upang maiwasan na maghintay sila ng mahabang oras sa pila.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office sinabi nito na alas-5 pa lamang ng umaga ay binuksan na ang mga polling precinct para sa lahat ng mga priority sector, kung saan pinayagan ang mga ito na bumoto hanggang alas-7 ng umaga.
Maaga namang natapos ang pagboto ng mga Person deprived of liberty na bumoto naman sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology.
Mayroong nasa 74 na rehistradong PDL sa lungsod, kung saan 62 sa mga ito ang lalaki at 12 naman ang mga babae.
Sa nasabing bilang 72 sa mga ito ang bumoto at mayroong tig-isa na tumangging bumoto.
Nagsimula ang pagboto ng mga PDLS bandang alas-6:18 ng umaga at natapos namang ng 8:56am.
Samantala, nagkaroon naman ng kaunting komosyon sa harap ng bahay isang tumatakbong barangay kagawad sa Concepcion Pequena, Naga City sa kasagsagan ng isinasagawang botohan kanina ring umaga.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng Media ni PMaj. Juvy Llunar ang station commander ng Naga City Police Office station 2, sinabi nito na ipinarating umano sa kanilang himpilan ng isang concerned citizen ang umanoy paglalagay ng isang mahabang lamesa sa harap ng nasabing bahay kung saan may mga nakatambay rin dito na mga kabataan.
Aniya, nagkukumpulan ang mga tao sa lugar at mayroon pang ibinibigay na piraso ng papel sa mga ito.
Agad naman umanong umaksyon ang mga awtoridad at nagtungo sa lugar kung saan dito nalaman ng mga ito na nag-ooffer pala ang mga ito na hanapin ang presinto at paaralan ng mga botanteng boboto
Ito’y dahil sa umabot sa mahigit 2-K ang botante sa nasabing barangay kung kaya kinailangan na hatiin sa dalawang paaralan ang mga botante.
Upang maiwasan ang mas paglala pa ng sitwasyon ipinag-utos na lamang ng Commission on Election Naga na ipasara na lamang ito at alisin na ang nasabing lamesa sa lugar.