NAGA CITY-Nananatiling fully booked pa rin ang mga biyahe pabalik sa Metro Manila hanggang sa Abril 4, 2024 o araw ng Huwebes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Roderick “Nonoy” Reforsado, ang Operation Manager ng Bicol Central Station, sinabi nito na inaasahan pa rin nila ang mataas na bilang ng mga biyahero na babalik sa Metro Manila sa mga susunod na araw lalo na ang mga pasahero na umuwi noong Black Saturday.
Ayon pa kay Reforsado, nagsimula ang peak operations ng terminal, noong Black Saturday kung saan nakita nila ng pagtaas ng bilang ng mga arrival buses na mula sa Metro Manila papunta sa pinakamalaking terminal sa Naga City.
Kaugnay nito, nakapagtala umano ng nasa 300 bus arrival ang Bicol Central Station na pinakamataas kung ikukumpara sa mga nakalipas na taon kasabay ng paggunita sa Semana Santa.
Nagsimula ang arrival ng mga bus sa 146, umakyat sa 150, umabot sa 196 hanggang sa maabot ang mahigit sa nasa 300 bus arrival sa isang araw.
Ang naturang bilang ang mataas dahil ang regular average ng dumarating na bus sa terminal ay nasa 96 buses.
Batay naman sa datos na ibinigay ng monitoring personnel on grounds ng Bicol Central Station, marami pa rin ang dumarating na pasahero sa terminal na pabalik sa Metro Manila.
Sa ngayon, tiniyak na lamang ni Reforsado na nananatiling manageable pa rin ang sitwasyon sa Bicol Central Station at patuloy umano ang kanilang monitoring upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.