NAGA CITY – Hindi pa rin umano matukoy hanggang ngayon ang kinaroroonan ng pinakauna at makasaysayang watawat ng Pilipinas.
Ito ang kinumpirma ni Mark Anthony Glorioso, Shrine Curator II sa Museo ni Jesse Robredo sa panayam ng Bombo Radyo Naga kaugnay ng pagdiriwang ng National Flag Day.
Mababatid na ang naturang watawat ay natapos noong 1898 sa bansang HongKong at dinala sa Pilipinas ng noo’y Pangulo na si Emilio Aguinaldo.
Dagdag pa ni Glorioso, ginamit umano ito sa giyera sa Alapan sa kaparehas na taon.
Aniya, matagal nang nawawala ang orihinal na watawat na pinaniniwalaang nawala ng umatras si Aguinaldo papunta sa Pampanga.
May mga nagsasabi rin na ang watawat ay naroroon sa isang Museo sa Baguio ngunit nang tingnan ng National Historcal Institute (NHI) noong 1996, nabatid na ito ay gawa sa cotton na tela.
Ito’y taliwas sa sinabi ni Marcela Mariño Agoncillo, isa sa tatlong mga babaeng nagtahi ng watawat, na ito ay gawa sa silk.
Dagdag pa nito, posible rin aniya na hawak na ng Estados Unidos ang makasaysayang watawat dahil kinuha umano ng mga sundalo ng Amerika ang noo’y mga nakumpiskang watawat.
Samantala, binigyang-diin ni Glorioso na mahalagang maibalik ang makasaysayang watawat dahil mayroon itong malaking bahagi sa kasaysayan ng bansa.