Photo© web

Binigyang-diin ni Solid North Party-list Rep. Ching Bernos na ang pinalawak na maternity benefits ng Philippine Health Insurance Corporation ay hindi lamang tulong-pinansyal kundi pagkilala sa mahalagang papel ng mga ina sa lipunan.

Ayon kay Bernos, isang rehistradong nurse bago pumasok sa politika, ang hakbang na ipinatupad nitong Abril 30 ay isang “game changer” para sa mga pamilyang Pilipino, lalo na sa gitna ng mataas na gastusin sa panganganak.

“Childbirth is already financially straining for families, so government support through PhilHealth could be the lifeline to ensure that they do not fall into debt because of it,” ani Bernos.

Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., halos triple ang itinaas ng coverage para sa normal delivery na umabot sa ₱29,000 mula sa dating ₱9,750. Ang caesarean section naman ay tumaas sa ₱58,000 mula sa ₱37,000.

Advertisement

Bukod dito, dinagdagan din ang prenatal checkups mula apat hanggang walong beses at isinama ang libreng bakuna at laboratory tests upang maagapan ang mga komplikasyon sa pagbubuntis.

Giit ni Bernos, ang maternal care ay hindi lamang usaping medikal kundi usaping pinansyal din na direktang nakaaapekto sa kaligtasan ng ina at sanggol.

Nanawagan din siya sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang impormasyon tungkol sa bagong benepisyo upang mahikayat ang mga kababaihan na manganak sa mga ligtas na pasilidad.

Bilang mambabatas, isinusulong din ni Bernos ang mga panukalang batas tulad ng Tribal Health Workers Bill, Magna Carta of Barangay Health Workers, at Safe Spaces Act Amendments na layong palakasin ang proteksyon at benepisyo para sa mga health workers at kababaihan.

Advertisement